- Back to Home »
- "Ala-ala ni bantay"
Posted by : Unknown
Tuesday, June 11, 2013
Siguro, halos lahat sa'tin, nakaranas nang mag alaga ng aso, isang aso na handang pumrotekta't samahan ka. Isang asong walang ginawa araw-araw kung hindi hintayin ka maghapon. Nakakalungkot isipin na may mga tao paring nag- mamaltrato sa kanila, tinatadyakan, ginugulpi pag badtrip sa ibang bagay, at mas malala, pulutanin. Tulad ng tao, kailangan din ng aso ng kalinga, maraming aso ang dumadanas parin ngayun ng kalupitan.
Tulad ng marami, nag-alaga rin kami ng aso noon (mga grade 3 ako ). Isang asong askal na halos wala ng balahibo at puro galis, nung una ay ayoko talaga s'yang alagaan, pero dahil gusto yun ng erpat ko, tinanggap ko na lang, takang taka ako kung bakit yun ang pinili nyang alagaan samantalang andaming may lahi na asong binibigay sa kanya. Pinangalanan namin s'yang Ban, tatlong buwan na s'ya nung dumating samin. Dahil nga hindi na tuta, hindi naging madali ang pag papa-amo sa kanya. Lagi syang umuungol pag nilalapitan at parang mananakmal. Hindi kataka-taka dahil tingin ko, inaabuso sya ng dati nyang may ari. Lumaki si Ban at napaamo namin, naging isang makisig na asong lagi kong kasa-kasama noon, kalaro maghapon, at katulong sa panghuhuli ng daga. Napamahal na sakin si Ban, pag uwi ko dati sa galing sa eskwelahan ay s'ya agad ang pinupuntahan ko para makipaglaro't makipag habulan. Tuwang tuwa ako nun dahil s'ya ang pinaka una kong pet, sobrang dami kong tricks na tinuro sa kanya tulad ng fetch, sit, stand at takbo pa-ikot. Dahil nga sya ang madalas kong kasama, Kahit minsan hindi naging malamig ang pag tanggap sakin ni Ban,
Hanggang sa dumating si Macky, isang aso na half Siberian husky, half labrador. Dahil nga may breed, kailangan ni Macky ng extra care at attention .Dahil sa sobrang abala na kay Macky, napabayaan ko na si Ban, parang bigla syang nawalan ng gana at laging malungkot, hindi na sya tulad ng dati na sobrang saya tuwing makikita ako, Nawalan ako ng pakialam nun kay Ban at sinabi ko sa tatay ko na s'ya na lang ang mag alaga kay Ban at ako kay Macky. Dumaan ang napakaraming taon at nalaman ko na lang na nag kasakit at mahina na si Ban. Kumunsulta ang tatay ko ng isang eksperto at sinabing "bilang na ang araw ni Ban". Noong una ay ok lang sakin dahil nga andyan naman si Macky. Normal pa rin ang araw na mga nagdaan at wala akong awang naramdaman. Hanggang isang araw. Tinawag ako ng tatay ko at sinabing "Parang mamamatay na si Ban, ayaw mo ba syang kamustahin o tingnan man lang?" Sabi ko naman "Mamaya na lang pag ka kain ko", pagkatapos kumain, dali dali akong pumanik upang kamustahin ang alaga, pinainom ng tubig at hiniga ko s'ya sa hita ko, hindi na sya tulad ng dati, Mahina na s'ya at parang sobrang tamlay. Noong mga sandaling yun ay mangilid-ngilid ang luha ko dahil alam kong napakalaki ng pagkukulang ko sa kanya mula noong dumating si Macky. Lumipas ang ilang minuto, Tuluyan ng binawian ng buhay si Ban habang nakahiga sa hita ko, di ko mapaliwanag ang nararamdaman ko, parang punung puno ako ng guilt dahil sa nangyari. Wala na ang dating asong lagi kong kasa-kasama at kalaro noong bata pa ko. Biglang sumikip ang dibdib ko at nagsisi. Ang sakit sa pakiramdam na gusto nya lang pala akong makita, na kahit sa huling sandali, naramdaman ny'a na minsan din kaming nagkasama.
Hanggang ngayon pag na-aalala ko si Ban, nalulungkot pa rin ako. Salamat sa walang sawang pag hihintay sakin maghapon. Salamat dahil isa ka sa mga kumumpleto sa pagkabata ko, salamat sa mainit na pagtanggap. Mag ingat ka kung nasaan ka man ngayun at wag mong foodtripin ang manok ni San Pedro hihihi :)